RIZAL: Ang Ating Pambansang Bayani o Bayani ng mga Amerikano

Posted: December 30, 2013 in History
Tags: , , , , , , , ,

Sa tinatamasa nating kapayapaan ngayon, hindi ba marapat lamang natin pasalamatan ang napakaramng bayani sa atng kasaysayan na nag-alay ng kanilang buhay.  Mula sa kolonisasyon ng Espanya hanggang sa pananakop ng mga Hapon, marami tayong mga bayani na dapat ipagmalaki at pasalamatan. At sa napakahabang listahan ng ating mga bayani sa kasaysayan, meron isang natatangi kung saan, ang pagtanggap at pagrespeto  ng buong masang Filipino ay nasa espesyal at natatanging lalagyan ng pagkilala.  S’ya ang Pambansang Bayani ng Pilipinas, ang Martir ng Bagumbayan, si Dr. Jose Protacio Mercado Alonzo Rizal y Realonda o simpleng Dr. Jose Rizal.  Isa sa 11 anak nina Don Francisco Mercado at Doña Teodora Alonzo na  ipinanganak noong ika-19 ng Hunyo 1861 sa Calamba, Laguna.

Image

Mula sa bilang ng mga bayan, baryo at eskinita  na ipinangalan mula sa kanya. Bilang ng mga institusyong pang-edukasyon at lipunan na nagdadala ng kanyang pangalan.  Bilang ng mga batas, mga proklamasyon, memoranda sa parehong pampubliko at pribadong paaralan.  At sa katotohanang walang ibang bayani na nakalalagpas sa kanya sa bilang ng mga monumento na itinayo bilang parangal. Walang duda na ang kanyang pangalan ay nasa isip ng bawat Filipino.  Image

Si Rizal na namatay na ipinaglalaban ang ninanais niyang pagbabago sa lipunan para sa mga Filipino ay masasabi talagang isang toreng pigura.  Katulad na lamang ng sinabi ni Propesor Ferdinand Bluementritt kay Maximo Viola na: “Si Rizal ay ang pinakadakilang produkto ng Pilipinas at ang pagdating n’ya sa mundo ay tulad ng isang kometa, na ang liwanag ay masasaksihan lamang kada isandaang taon.”

Isang Filipino na may totoong patriyotismo at nasyonalismo, Isang dakilang Filipino na karapat-dapat tumanggap ng lahat ng pagkilala, at isa na dito ang pagiging Pambansang Bayani ng Pilipinas.  Pero, may mga katanungang sumasalungat dito, meron mga Filipino na naniniwala  na si Rizal ay isang bayani ng mga Amerikano o ng dahil sa mga Amerikano kaya s’ya ngayon kinikilala bilang Pambansang Bayani ng lahing Filipino.

Rizal: Ang ating Pambansang Bayano o Bayani ng mga Amerikano?  Ano ang totoo dito?  Ninanais ng sanaysay na ito na alamin ang mga naging ispikulasyon, ang mga naging papel ng mga Amerikano sa pagkakaroon ng ganitong kontrobersya,  gayun din ang kahalagahan nito na makapagbigay impormasyon sa mga mag-aaral na nagkaroon din ng ganitong katanungan sa bahagi ng kasaysayan sa pamamagitan ng paglalahad ng mga ideya/ideolohiya ng mga ilan sa mga kilalang historyador na Filipino, gayundin sa papamagitan ng pagbibigay ng sariling pananaw.

“Ang pagtatangka na husgahan si Rizal base sa kasaysayan ay isang uri ng pananakit sa kanya. Sa mga natutong tignan si Rizal sa makasaysayan at kritikal na pamamaraan ay alam ang mga kahalagahan na kanyang naiambag sa nagbabagong lipunan ng mga Filipino.”

–Renato Constantino

Image

Bakit merong kontrobersya na si Rizal ay naging isang Pambansang Bayani dahil sa mga Amerikano?

Noong mga huling bahagi ng pagnanais ng Estados Unidos na masakop ang  Pilipinas, ang isa sa kanilang mga ginamit na hakbang ay ang magpakilala bilang isang mapayapang mga tao.  Ang ideyang ito ay humantong sa kanilang pagmumungkahi na magproproklama ng isang Filipino na kilala sa kanyang mapayapang adhikain bilang maging isang, Pambansang Bayani ng Pilipinas. Higit sa pagigng mapayapang tao, may kapasidad para parangalan at may malaking pagtanggap at pagrespeto ng mga Filipino nang sa ganoon ay maipakilala ang kanilang mapagpanggap na ideya ng kapayapaan.

Nagsimula ang lahat ng nang magpahayag si Gobernador Sibil William Howard Taft sa mga mensahero na sina Pedro de Tavera, Luzurriga at Legarda,  mga Filipinong miyembro ng komisyon ng Pilipinas kung saan si Taft ang punong kinatawan, na magkaroon o kinakailangan na ng mga Filipino na magkaroon ng Pambansang Bayani.  Naiulat pa na sa nasabing pagpupulong na ang mga naging magkakalaban para sa pagka Pambansang Bayani ng Pilipinas ay sina Marcelo H. Del Pilar, Gracino Lopez Jaena, Jose Rizal, Heneral Antonio Luna, Emilio Jacinto at Andress Bonifacio.  Ang napili at natanggap ng lahat ay si Rizal at ang kasaysayan ay naganap. (Esteban de Ocampo, Why Rizal is the Greatest Filipino Hero, p. 18)

Isa pa sa mga sinasabing pangunahing dahilan, ay nang dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas, napag-alaman ng mga mananakop ang pilisopiya ni Rizal na edukasyon muna para sa mga tao bago ang kalayaan. Isang eksaktong pilosopiya para sa pagawa ng dahilan sa kanilang polisiyang pang kolonyal (Benevolent Assimilation) at kanilang pinanghikayat at ginamit para bigyan ng promosyon ang kaisipan ni Rizal.  Sa kabilang banda, nakita nila si Bonifacio, isang pangkaraniwang tao, kilala bilang isang mapanganib na naninindgan sa paggamit ng armas para makamit ang kalayaan.  Para sa  mga Amerikano, ang ipakilala ang kaisipan ni Bonifacio ay katulad na rin ng pagsira sa kanilang layunin na hikayatin ang mga Pilipino na huwag gumamit ng armas laban sa kanila.  (Teodoro Agoncillo, History of the Filipino People, p. 160)

Image

Bakit si Rizal ang ating Pambansang Bayani?

“Ang pinaka nakakahanga kay Rizal ay ang hindi na niya pag-isip sa kanyang sarili, ang kanyang kumpletong pag-iwan sa kanyang personal na interes para lamang isipin ang kanyang bansa.”

–Rafael Palma

Walang duda, ang mga bagay na sinabi ni Rafael Palma patungkol kay Dr. Rizal ay totoo.  Ang kanyang pagmamahal sa bansa ay alam ng lahat.  Ang katapangan ni Rizal ay makikita sa kanyang mga gawa at hindi sa kanyang mga salita.  Hindi s’ya lumiko sa ano mang landas na kanyang tinatahak, kahit na ang maging kapalit pa nito ay ang kanyang buhay.  Maaring hindi alam ni Rizal kung paano o kalian s’ya mamamatay pero sinigurado n’ya kung paano siya dapat mabuhay.  Ang kanyang buhay ay alinsunod sa kanyang isinulat noon 1892:

“Nais kong maipakita sa sino man na tumatanggi sa atin ng patriyotismo na tayo ay maaring mamatay sa ating ipinaglalaban. Ano ang kamatayan kung tayo naman ay mamamatay para sa ating mga mahal, para sa ating bayan at para sa bagay na ating hinahangad” (Dalmacio Martin, The Greatness of Dr. Jose Rizal, “The Fundamental Values Cherish by the People in Rizal’s Time”, p. 109)

Tunay nat may mga ebidensyang  nagpapakita sa mga naging promosyon ng mga Amerikano sa pagkabayani ni Rizal, pero ang punto, si Rizal ay matagal ng nakikita at tinatanggap na bayani ng mga Filipino bago pa man dumating ang mga Amerikano. (Ambeth Ocampo, Rizal Without Overcoat, p. 2) Hindi natin maitatanggi na ang kanyang dedikasyon sa kanyang mga ginawa  upang mabago lamang ang lipunan na ginagalawan ng mga Filipino.  Sa yaman ng kanyang pamilya at sa kanyang naging propesyon ay hindi natin maitatanggi na sa tinataglay niyang ito ay maari sana s’yang nagbuhay mayaman na lang at hindi na sana nakialam pa sa problema ng bansa.  Pero hindi, dahil sa hindi n’ya matatawarang patriyotismo at nasyonalismo, lumaban s’ya a imperyo ng Espanya gamit ang kanyang mga gawa, kahit na ang naging kapalit pa nito ay ang kanyang buhay.

 Bakit hindi si Bonifacio o ang iba pa bilang Pambansang Bayani ng Pilipinas? 

Sinasabi na dito lamang sa Pilipinas kung saan hindi ang pinuno ng isang rebolusyon ang hinirang na maging pambansang bayani.  Katulad nina Simon Bolivar ng Venezuela , Joan of Arc at Napoleon Bonaparte ng Pransya at George Washington ng Estados Unidos.

Totoo nga na may ginampanang papel ang Estados Unidos para matakpan ng anino ni Rizal sina Bonifacio, Mabini at iba pang mga bayani. Pero hindi rin naman maitatanggi na si Rizal ay matagal ng tintignan bilang isang bayani bago pa man iputok ang mga baril na tumapos sa kanyang buhay.  Na kung bakit sa kadahilanang sya ay pinaslang sa harap ng publiko ay para magsilbng babala sa sino man na nagnanais na gumaya sa kanyang mga gawa.  Si Rizal na isang toreng Pigura sa kanyang kapanahunan na gumawa ng malaking marka sa naiukit na kasaysayan ng Pilipinas.

Nasira man nang mga bala ang kanyang  katawan pero ang mga kaisipan ni Rizal ang s’yang sumira sa malaking pader ng Espanya.  Image

“Ang panulat ni Rizal ang nagbigay inspirasyon sa bolo ni Bonifacio”

Ito ang punto de vista ng may akda sa isyu sa pagitan ng dalawa nating dakilang bayani. Ang rebolusyon na itinayo ni Bonifacio ang s’yang bunga  ng kaluluwa ng mga isinulat ni Rizal. Hindi lamang sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari kung ‘di maging sa kahalagahan ng mga pangyayari.  Mababatid ng sinuman na mag-aaral ng kasaysayan na hindi naman ganoon magkakilala ang dalawang dakilang bayani, pero ginawang kagalang-galang na pangulo ng katipunan si Rizal ng mga kasapi ng katipunan sa pangunguna ni Bonifacio. Dahil alam at tanggap ng mga kasapi, na si Rizal ang kaluluwa ng kanilang rebolusyon.

Ayon kay Apolinario Parale, may dalawang tanong na dapat munang sagutin bago pa sabihn ninuman na si Rizal ay isang pambansang bayani lamang dahil sa nga Amerikano.  Una, kung talaga bang ginusto ni Rizal na ang papel na ginampanan n’ya sa kasaysayan, ay magamit ng mga Amerikano sa kanilang pansariling interes, Pangalawa kung may kapasidad ba si Rizal na bigyan ng parangal at igalang ng nga kapwa Filipino kahit na wala ang mga Amerikano?  (Apolinario Parale, Why Rizal Should Remain our National Hero, p.4)

Una si Rizal ay walang bahid ng pagtutol na isinakripisyo ang kanyang buhay, kapalit ng pagtanggi niya sa Espanya para lamang makamit niya ang ninanais niyang pagbabago sa lipunan para sa mga Filipino at hindi para sa ano pa man.  Pangalawa, totoo at pinili ng mga Amerikano si Rizal para maipagtulakan nila ang kanilang interes sa bansa, pero hindi din natin maiaalis  ang katotohanan na si Rizal ay may karapatan na parangalan at igalang ng mga Filipino na hindi na kinakailangan pa ng promosyon ng mga Amerikano dahil ang ginawang pagkilala sa kanya ay base sa ginawang pagtanggap sa kanya ng mga tao.

Sa mga ipinunto ng may akda, ay ipinapakita nito ang konklusyon na si Rizal ang Pambansang Bayani ng Pilipinas at hindi isang pambansang bayani lang nang dahil sa mga Amerikano. Walang iisang tao o grupo ng mga tao ang responsable kung bakit s’ya ngayon kinikilala bilang “Pambansang Bayani ng Pilipinas. “ Si Rizal, ang mga Filipino at maging ang mga dayuhan ang siyang nag ambag-ambag kung bakit s’ya kinikilala ngayon sa isang kumkinang at espesyal na lalagyan ng pagkilala.  Ang konklusyon ay tumutugon sa kalinawan na malinaw kahit dumating o hindi ang mga Amerikano, si Rizal ay nakatadhana nang makilala ng mga Filipino bilang isa sa pinaka ginagalang at karapat-dapat na parangalan ng lahing Filipino.

Image

Leave a comment